Tuesday, September 16, 2008

While You Were Sleeping: A story about closure

Alang-alang sa mga kaibigan kong kaka-break lang sa mga minamahal nila sa buhay.

Hindi ako makatulog noon at pinag-tiyagaan ko na hintayin kung sino ang mananalo bilang “Pinoy Grand Star Dreamer.”  Ang manok ko si Miguel kasi marunong siyang mag-piano katulad ko. Habang commercial  lumingon ako sa kinahihigaan mo at nakita kitang tulog na tulog. Buti ka pa.

Masyadong matagal ang commercial dahil sinasamantala ng Channel 2 ang mga sponsors nila. Last day na nga naman ng Pinoy Dream Academy ngayon, dapat lubusin ang mga sponsors.  Sa sobrang haba ng commercial break, nilipat ko muna sa paborito kong Cinema One. Uy sakto, John Lloyd movie, yung “One More Chance.”

Napanuod ko na ‘to dati at naubos ang tissue paper natin kaiiyak ko. Siguro naman, by this time, hindi na ako maiiyak. Bayaan na kung sino manalo sa Pinoy Dream Academy, malalaman ko rin bukas sa diyaryo yan at sa linggo, for sure iinterbyuhin din yun sa The Buzz.

Noong una kong napanood itong sine na ito, sapol yung mga panahong iniwan ako ng boyfriend kong mukhang hoodlum (sabi ni Dr. Cham mukha daw siyang hoodlum nung makita niya). Nararamdaman ko yung nararamdaman ni John Lloyd sa pelikula. Ang masaklap, wala kaming closure. Basta hindi na lang ako nakarinig ng kahit ano sa kanya. Yun lang.

Hindi ako umiyak. Pinili ko na manahimik at itutok ang isip sa pagtapos ng mga requirements ko sa eskwela. Pilit kong isinaksak sa utak ko na si He-Who-Must-Not-Be-Named (Oo, masahol pa siya kay Voldemort!) ay isang tartar na kaya kong tanggalin in just one sitting.  Sa Oral Medicine kasi ako naka-assign noon kaya ko naisip na tartar siya.

Hindi ako “in pain” nung mga panahon na yon, pero hindi rin ako okey. Basta ginagawa ko ang mga normal kong routine sa araw-araw: apartment-eskwela-apartment-uwi sa bahay pag weekend para dalhin ang pasalubong na labahin kay Mama. Tuwing uuwi ako sa apartment, nakaabang ang mga housemate ko na parang nag-aabang na magkwento ako o umiyak man lang. Pero wala silang narinig sa kin, gaya ng sabi ko, hindi ako umiyak.

Ngayon lang...

Kasalanan ni John Lloyd ang lahat. Kung bakit kasi kailangang magtangkang magpakamatay yung kaibigan niyang si Janus Del Prado (nag-overdose sa shampoo) pagkatapos siyang iwan ng fiancĂ©e niya at kinailangan ni John Lloyd na sabihin tong malupet na linya na ‘to:

"di ba ikaw na nga nagsabi, kaya tayo iniiwan ng mahal natin dahil may mas magmamahal pa satin. kaya tayo sinasaktan at iniiwan ng mahal natin dahil may mas mabuting tao na di tayo sasaktan. kaya tayo umiiyak sa piling ng mahal natin dahil may isang taong magpapasaya satin.."


-POPOY(john lloyd cruz)

Lupet! Tagos! Bulls-Eye!

Pagkatapos ng eksena na yun ay nakita ko ang mga kalong-kalong kong lukot at basang mga piraso ng tissue paper. This time, hindi lang iyak kundi hagulgol to the max.

Five years! Ngayon lang ako umiyak na parang kahapon lang nangyari ang lahat.

Bago ka magalit, hindi ko na siya mahal nung magkakilala tayo. Nag-shortcut kasi ako, hindi ko na dinaanan yung “closure period” pagkatapos ng breakup.

Para mas madaling dalhin. Para hindi ako masaktan. Recovery na agad.

Ngayon ko lang naisip na paano ako makaka-recover kung hindi ako nasaktan in the first place?

In fairness, naging mabait sa kin si Lord. Ibinigay ka niya sa kin sa tamang pagkakataon. Napunan mo ang aking needs noong semester na yun. Naghahanap ako ng mga pasyente ko para sa OP at wala rin akong boyfriend at the same time. (Kaya nga sabi ko sa isang estudyante, maging mabait sa mga pasyente kasi “Who knows, baka dun nyo ma-meet si DA WHO!”)

At para sa ex ko na mukha daw hoodlum (malakas ang loob kong i-post dahil alam kong wala kang Multiply):

Nung nakita kita uli matapos ang 4 na taon, I had the urge to ask kung ano ang nangyari sa ‘tin nun. Pero naisip ko, “What for?!” Hindi ko na gusto na maging tayo uli. Masaya na ako. As in. Huwag mo din isipin na bitter ako kasi hindi. Excuse me, hindi ka ganun ka-gwapo. Matalino ka lang.

Oo nga pala, yung pinangbayad ko sa US Boards noon, hindi ko na na-refund dahil hindi ako tumuloy dahil ayaw mo akong umalis. Leche ka, $46.50 din yun! Pero tumuloy ako nung break na tayo. Buti nga sa ‘yo, wala ka tuloy pasalubong.

E ano kung tiga-Pisay ka? UP naman ako, abogado pa napangasawa ko. Mas malaki sweldo nun sa ‘yo. Pasensiya na sa Tatay ko nung nagkita kayo sa meeting ha? Egoy lang talaga yun, di naman niya sinasadya na sagutin ka nun tinanong mo siya ng ganito:

Totoot: Engineer din po ba ang napangasawa ni Tin?

Itay: HINDI HA! ABOGADO YUN! ABOGADO! (Hindi naman halatang defensive ang tatay ko no?)

Mabuti na tong ganito. At least, peace na tayo. Magka-friendster na nga tayo, diba? Tama na ang drama mo, mag-asawa ka na, tumatanda ka na. Gusto mo, ihanap pa kita. Para happy ka na rin tulad ko ngayon.

Sa mga housemates ko nung college: Nangyari na ang inaaabangan niyo. Di ko man naikwento lahat pero umiyak na rin ako sa wakas. Tao rin pala ako, kahit paano.

Sa anak ko: Pag laki mo at iniwan ka ng boyfriend mo, ikukwento ko ‘to sa’yo. Para malaman mo na OK lang masaktan kasi may mas magandang kapalit. Tapos ibigay natin pangalan niya sa tatay mo para kasuhan niya ng jaywalking. Paksh@t!

P.S Kay hoodlum ulit (again hindi sa kin nanggaling yung mukhang hoodlum ka):

Eto, nahanap ko sa baul. Wala na yung iba, tinapon na daw ni Mama. Meron pa palang natira.

It pretty much signifies what you are to me.

A blur.

No comments: